Naaresto na ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang babaeng nag-iwan ng sanggol sa restrooms ng isang gasoline station sa Kalayaan Avenue sa Quezon City nitong Pebrero 8 ng umaga.
Kinilala ni QCPD Director, P/BGen Redrico Maranan, ang suspek na si Angeleen Quilang, 20, second-year student at ina ng sanggol.
Kasama ding inaresto ang mga magulang nito na sina Cecilia Quilang, 64, at Arnulfo Quilang, 66, mga retired government employee, at pawang residente ng Vista Verde, Country Homes, Brgy. Muntindilaw, Antipolo City.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nakita sa CCTV footage ang buntis na babae na pumasok sa CR sa gasolinahan, ngunit doon na inabutan ng panganganak at iniwan ang sanggol na lalaki.
Pagkatapos iluwal ang sanggol agad na tumakas ang babae at mga kasama nito sakay ng isang SUV.
Hindi agad napansin ang sanggol sa CR dahil pinasakan ng tissue paper ang bibig nito. Nadiskubre lang ito nang may sumunod na gumamit ng banyo.
Sinabi ng pulisya, malinaw na nakunan ng CCTV ang plaka ng ginamit nilang sasakyan at natuklasang pagmamay-ari ito ng ama ng babaeng nag-iwan sa sanggol, kaya’t natunton ang kanilang kinaroroonan.
Nasa pangangalaga na ng East Avenue Medical Center ang sanggol at nasa maayos na kondisyon.
Kaugnay nito patong-patong na kaso naman ang isasampa ng QCPD sa mga suspect sa Quezon City Prosecutors office. | ulat ni Rey Ferrer