Kapwa sinabi ng DICT at isang cyberscurity expert na kailangan magkaroon ng batas ang bansa at paghihigpit sa cybersecurity laban sa mga gumagamit ng artificial intelligence para sa iligal na aktibidad.
Sa briefing na ipinatawag ng House Committee on Information and Communications Technology kaugnay sa nangyaring data breach sa government agencies kamakailan, sinabi ni DICT Undersecretary Jeffrey Ian Dy na bagamat wala pa sa Pilipinas, ay dapat paghandaan ang Robocalls na talamak sa Amerika at Europa.
Ang Robocalls ay gumagamit ng artificial intelligence para gayahin ang boses ng isang indibidwal.
Aniya, lalong lalala ang banta nito habang papalapit ang 2025 at 2028 elections.
Ayon naman sa cybersecurity analyst na si Art Samaniego, panahon nang magkaroon ng batas laban sa mga “deepfake” bago sumapit ang Eleksyon 2025.
Hindi kasi aniya malayo na magamit sa halalan ang deepfake.
Dito, maaaring manipulahin digitally at palitan ang mukha ng isang tao gamit ang mukha ng ibang indibidwal.
Kadalasan aniya ito nagagamit sa child sexual abuse, bullying, fake news at kahalintulad.| ulat ni Kathleen Forbes