Mahigit 70 kilo ng mga recyclable o nareresiklong bagay ang nakolekta ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Mobile Recovery Facility sa Recyclables Mo, Palit Grocery Ko project ng ahensya.
Ito ay sa katatapos na isinagawang Bayanihan sa Barangay program sa Brgy. BFI-CAA sa Las Piñas City.
Ayon sa MMDA, layon ng programa na isulong ang pagkakaisa sa mga residente at panatilihing malinis ang kanilang komunidad.
Ipinalit ng mga residente sa lugar ang kanilang naipong mga nareresiklong bagay gaya ng papel, karton, at plastic bottles sa mga grocery item gaya ng de lata.
Kaugnay nito ay nagpapatuloy din ang “Kalinisan sa Bagong Pilipinas” cleanup program ng Administrasyong Marcos, na layong panatilihin ang kaayusan at kalinisan sa bawat barangay sa bansa. | ulat ni Diane Lear