Nakipagpulong ang Philippine Board of Investments sa Estados Unidos upang maisapinal ang pamumuhunan nito sa semiconductor at critical mineral Industries sa Pilipinas.
Ayon kay BOI Managing Head and Trade Undersecretary Ceferino Rodolfo, nakaharap nila si United States Department of State Undersecretary for Economic Growth, Energy, and the Environment Jose Fernandez hinggil sa napipintong pamumuhunan ng US sa bansa.
Dagdag pa ni Rodolfo, isa sa napag-usapan sa naturang pagpupulong ay kung papaano mailalatag ang mga naturang investment sa Pilipinas at kung saan ang ‘strategic locations’ para sa mga itatayong planta mula sa business sector ng Estados Unidos.
Saad pa ni Rodolfo, isa ang Pilipinas sa target ng Estados Unidos na mag-invest sa naturang sektor dahil nakapakayaman ng bansa sa mineral deposits.
Ayon naman kay United States Department of State Undersecretary Jose Fernandes, makakaasa ang Pilipinas na mas marami pang puhunan ang papasok sa bansa sa mga susunod pang mga taon sa sektor ng semiconductor. | ulat ni AJ Ignacio