Aminado ang Philippine National Police (PNP) na malaking hamon para sa kanila ang pagtunton sa kung sino ang nasa likod ng pagpapakalat ng bomb threat e-mail gamit ang pangalang Takahiro Karasawa.
Gayunman, tiniyak ni PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo na puspusan ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng Anti-Cybercrime Group (ACG) sa kanilang foreign counterpart hinggil dito.
Nabatid kasi na maliban sa Pilipinas at Japan, nagpakalat din ng kahalintulad na e-mail ang gumagamit sa pangalan ni Karasawa sa South Korea at Taiwan.
Batay sa kanilang pakikipagpulong sa Department of Information and Communications Technology (DICT) kasama ang iba pang law enforcement agencies, lumalabas na totoong tao si Karasawa subalit na-hack ang kaniyang e-mail na siya ngayong ginagamit para maghasik ng takot.
Kaya naman sinabi ni Fajardo na dahil sa iba’t ibang bansa na ang apektado ng paghahasik na ito gamit ang e-mail ay itinuturing na nila itong transnational crime.
Magugunitang nito lamang Martes nang bulabugin ng naturang bomb threat e-mail ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Science and Technology (DOST), gayundin ang iba’t ibang sangay ng Department of Education (DepEd), maging ang ilang LGU. | ulat ni Jaymark Dagala