Isang araw matapos manawagan si Speaker Martin Romualdez para magsagawa ng briefing upang magpaliwanag ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa nangyaring data breach ay agad nagkasa ng pulong ang House Committee on Information and Communications Technology.
Ayon kay Navotas Representative Toby Tiangco, chair ng komite, ngayong ala-1 ng hapon mag-umpisa ang joint briefing kasama ang House Committee on Public Information.
Aniya, inimbitahan dito ang DICT at iba pang kaukulang ahensya ng pamahalaan, at resource persons mula sa pribadong sektor.
Para sa mambabatas, napakalaking banta sa seguridad ng ating bansa at bawat Pilipino ang mga cyber-attack.
Kaya mahalagang talakayin ang naturang usapin para makapaglatag na ng hakbang gaya ng lehislasyon laban sa cyber-attacks. | ulat ni Kathleen Jean Forbes