Nagsama-sama ngayon ang iba’t ibang medical professionals, local health authorities at LGUs para ikampanya ang kahalagahan ng early detection sa sakit na cancer.
Ito ay sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso ng cancer na banta sa kalusugan ng maraming Pilipino.
Sa datos ng PSA na inilabas nito lamang Enero, ikalawa na ang cancer sa nangungunang dahilan ng pagkamatay sa mga Pilipino noong 2023.
Tinawag ang kampanya na Cancer Warrior PH na nagtutulak ng pagpapalawak sa education campaign at early cancer screening.
Ayon kay Dr. Paulyn-Jean Ubial, former Health Secretary at Medical Director ng Genelab PH, mahalagang mabago ang pananaw ng publiko sa ‘early detection’ o maagang pagtuklas ng kanser dahil kung maagang malalaman ang sakit ay mas malaki ang posibilidad na maiiwasan ang pag-develop nito sa mas malalang kondisyon.
Kadalasan kasi aniyang problema sa mga Pinoy ay nagpapatingin lang sa doktor kapag malala na ang sakit.
Kaugnay nito, itinutulak din ang Multi-Cancer Early Detection (MCED) na isang non-invasive na molecular test para ma-detect kung may cancer ang isang indibidwal kahit wala pa itong anumang nararamdamang sintomas.
Ayon kay Dr. Ubial, sa pamamagitan lang ng blood test ay matutukoy na agad kung may namumuong cancer sa katawan ang isang indibidwal.
Sa panig naman ng DOH, sinabi ni Usec. Eric Tayag, na suportado ng kagawaran ang mga ganitong adbokasiya para mahikayat ang mas maraming Pilipino na maagang magpatingin.
Dagdag pa nito, maraming ospital na sa iba’t ibang rehiyon ang nagbibigay ng serbisyo sa mga pasyenteng may cancer. | ulat ni Merry Ann Bastasa