Inatasan ni House Speaker Martin Romualdez ang House Committee on Health na isailalim sa review ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Charter upang mapalawak ang benepisyong ibinibigay sa mga pasyente kasama na ang early detection ng cancer.
Layon ng hakbang na ito na makahanap ng paraan kung paano madagdagan ang benepisyo ng mga miyembro at makapagbigay ng mas komprehensibong healthcare package.
Partikular na target ng House leader na maitaas ng hanggang 50 percent ang bahagi ng gastos na sasagutin ng PhilHealth sa private hospital wards, pati ang pagbibigay ng libreng examination para sa mas maagang detection ng mga sakit gaya ng cancer.
Kasama dito ang mga critical diagnostic exam tulad ng X-rays para sa lung cancer, mammography sa breast cancer, at human papillomavirus (HPV) vaccine para makaiwas sa cervical cancer.
Diin ng House Speaker, ang PhilHealth ay maihahambing sa isang Health Maintenance Organization (HMO) na nakatuon para sa kalusugan at hindi sa pamumuhunan sa commercial banks at bonds.
“With substantial annual allocations from Congress and regular contributions from private employees, there is no excuse for PhilHealth to scrimp on coverage. The effectiveness of the Universal Health Care system depends on our ability to provide for our citizens, ensuring they receive the medical attention and preventive care they deserve,” saad ni Romualdez.
Kasama rin sa review ang re-evaluation ng investment strategies ng state health insurer upang masiguro na nagagamit ng tama ang pondo nito at napupunta para kalusugan ng mga Pilipino.
Sa Miyerkules nakatakdang isagawa ang pulong ng komite hinggil dito. | ulat ni Kathleen Forbes