Mas pinalawak ng Quezon City local government ang mga programa at aktibidad nito para sa selebrasyon ng 2024 Chinese New Year sa lungsod.
Ayon kay QC Tourism Department Head Maria Teresa Tirona, tatlong araw na ipagdiriwang sa lungsod ang Chinese New Year mula Feb 9-11, 2024.
Kasama sa bagong aktibidad ngayong taon ang kauna-unahang QC Chinatown Heritage Tour sa Feb. 9 kung saan ililibot ang nasa 100 media at social media personalities sa ilang cultural sites gaya ng Chinese temples sa lungsod.
Kasama rin sa tour ang food crawl sa ilang itinuturing na ‘culinary gems’ ng QC Chinatown District sa Banawe.
Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, layon ng naturang heritage tour na maitaguyod ang Banawe bilang isang cultural attraction.
“Magkakaroon din ng pagkakataon ang ating mga kababayan na mapalago ang kanilang kaalaman ukol sa mayamang kultura ng mga kapatid nating Chinese,”
Samantala, bukod sa heritage tour, kabilang pa sa aktibidad sa lungsod ang QC Chinatown Food, Arts and Crafts fair, Lion at Dragon Dance, Chinatown Float Parade, Chinese Calligraphy at Painting Demonstration, pati na ang Chinatown Heritage Bike Tour.
Inaasahan naman ng QC LGU na posibleng pumalo sa higit 100,000 ang dadagsa sa lungsod para sa New Year celebration. | ulat ni Merry Ann Bastasa