Nakaranas na ng mga pag-ulan ang ilang lugar sa Region 2 matapos isagawa ang cloud seeding operations ng Department of Agriculture (DA).
Sa ulat ng DA Region 2, naging matagumpay ang unang ginawang cloud seeding operations sa mga bayan ng Iguig, Enrile, at Tuguegarao City, sa Cagayan; Sto Tomas, Sta. Maria, Ilagan, Benito Soliven sa Isabela, at Villaros, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Ang cloud seeding operations ay inisyatiba ng Department of Agriculture, Bureau of Soils and Water Management, NIA Region 2 at Philippine Air Force.
Ayon kay Dr. Rose Mary Aquino, OIC Regional Executive Director ng DA RFO 2, dahil sa resulta ng cloud seeding mapapawi ang unang epekto ng El Niño.
Sinabi naman ni Paul Vincent Balao, Regional Corn Focal Person, na makapagbibigay ng ginhawa sa corn farmers ang cloud seeding operations sa rehiyon.
Sa ngayon aniya, nasa vegetative at reproductive stage na ang mga pananim. | ulat ni Rey Ferrer