Nanawagan ang Commission on Population and Development (CPD) na mas paigtingin ang kampanya laban sa patuloy na pagtaas ng teenage pregnancy sa bansa.
Sinabi ni CPD Executive Director Lisa Grace Bersales na ang pagtaas sa kabuuang bilang ng mga nabubuntis na batang babae na wala pang 15-taong gulang ay tumaas ng 35.13%, ayon sa Philippine Statistics Authority — mula 2,320 noong 2021 ay umakyat ito sa 3,135 noong 2022.
Noong Setyembre ng nakaraang taon, inaprubahan ng House of Representatives sa ikalawang pagbasa ang House Bill No. 8910 o ang panukalang “Adolescent Pregnancy Prevention Act,” na nagtatakda ng pambansang patakaran para sugpuin ang dumaraming kaso ng mga kabataang maagang nabubuntis.
Ang panukalang batas, ani Bersales, ay magiging mahalaga sa pagpapatupad ng Philippine Population and Development Plan of Action (PPD-POA) 2023, na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pamamagitan ng Memorandum Circular 40 noong November 14, 2023. | ulat ni Jollie Mar Acuyong