Nilinaw ng Civil Service Commission (CSC) na kailanman ay hindi ito nag-eendorso ng anumang review material o review center para sa Career Service Examination.
Dahil dito, binalaan ni CSC Chairperson Karlo Nograles ang publiko laban sa mga review center, mga grupo at pribadong indibidwal na gumagamit ng pangalan, logo at website ng CSC.
Gayundin sa mga nagsasabing inendorso sila ng CSC para mag-alok ng online at face-to-face review classes para sa CSE Professional at Subprofessional Levels.
Pinaalalahanan ni Nograles ang mga examinee na maging maingat sa mga review material na ibenebenta sa bookstores, sa social media channels, at on online selling platforms at sinasabing reproductions ito ng aktwal na pagsusulit na huling isinagawa ng CSC.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9416 o mas kilala sa tawag na Anti-Cheating Law,sinuman ang mapatunayang lumabag ay mapapatawan ng parusang pagkakulong ng anim hanggang labing dalawang taon,at multang hindi bababa sa P50,000.00. | ulat ni Rey Ferrer