Nagpaliwanag ang Department of Agriculture (DA) kung bakit naharang ang imported na mga manok na panabong mula sa Amerika.
Sa isang pahayag, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na ito ay isang bahagi ng hakbang ng Bureau of Animal Industry o BAI upang mapigilan ang posibleng pagkalat ng avian influenza sa poultry industry ng bansa.
Nabatid na nasa 400 na manok na panabong na inangkat mula sa Atlanta, Georgia ng mga Pilipinong breeder ang naharang kahit na kumpleto sa permit ang courier at mayroong certificate mula sa BAI at US authorities na negatibo ito sa avian influenza strain.
Ayon kay Tiu, nagiging maingat lamang ang DA upang maprotektahan ang poultry industry, gayundin ang lumalagong gamefowl breeding sector ng bansa.
Ang pagkalat aniya ng avian influenza mula sa mga imported na manok ay magkakaroon ng malaking pinsala sa mga nabanggit na sektor na maaaring makaapekto sa libo-libong trabaho pati na rin sa food security.
Bilang bahagi ng biosecurity measure, nagsagawa rin ang BAI ng random sampling para sa avian influenza sa 30 manok na panabong. Kapag ito ay nagnegatibo sa avian influenza saka pa lamang ito opisyal na idi-discharge.
Matatandaang noong Enero ipinagbawal ng DA ang pag-aangkat ng mga manok at poultry products mula sa Amerika matapos na makatanggap ng impormasyon na mayroong outbreak ng H5N1 na isang avian influeza strain sa California at Ohio. | ulat ni Diane Lear