Giniit ni Senador Sonny Angara na malaki ang maitutulong ng pagdadagdag ng mga gamot na exempted sa value added tax (VAT).
Ang pahayag na ito ng senador ay kasunod ng anunsiyo ng Food and Drugs Administration (FDA) na may 20 pang bagong gamot sa listahan ng mga exempted sa VAT, na umaabot na ngayon sa 2,000.
Kabilang dito ang mga gamot na para sa cancer, hypertension, diabetes, kidney disease, mental illness, high cholesterol at tuberculosis.
Ayon kay Angara, bahagi ito ng benepisyo na bunga ng Republic Act 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Layon aniya ng naturang batas na gawing mas accessible sa publiko ang lifesaving drugs para hindi na gawing opsyon na lang ang pangangalaga sa maysakit.
Bukod sa VAT exemption, ipinaalala ni Angara na may diskwento pa ring matatanggap ang mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs). | ulat ni Nimfa Asuncion