Sinampahan ng kasong katiwalian sa Office of the Ombudsman ang dalawang opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Boac, Marinduque.
Kasama ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ng SARGASSO Construction and Development Inc. sa pagsasampa ng kaso sa mga akusado sa Ombudsman.
Kasong paglabag sa RA 3019 as amended o Graft and Corrupt Practices Act ang isinampang kaso laban kina Revenue District Officer Felix Bacal at si BIR examiner Julius Isleta ng BIR Boac, Marinduque.
Nakapaloob sa 17 pahinang reklamo, inaakusahan ng Sargasso at VACC ang mga BIR official ng hindi pag-iisyu ng Tax Clearance Certificate para sa kontratista.
Ito’y sa kabila nang kautusan ng BIR Central Office na bigyan na ng sertipikasyon dahil wala naman umanong pending case ang complainant.
Dahil umano sa panggigipit ng BIR officials, malaki na ang nalugi sa kumpanya at hindi na rin nakasali pa sa ibang bidding sa proyekto ng gobyerno. | ulat ni Rey Ferrer