Kampante ang Davao de Oro Provincial Government na may sapat ang kanilang pondo at supply ng mga relief goods para sa lahat ng mga naapektuhan ng mga baha ng landslide na hatid ng trough of the Low Pressure Area noong nakaraang linggo.
Sinabi ni Davao de Oro Governor Dorothy Gonzaga, naglaan na sila ng P12M mula sa kanilang Quick Response Fund (QRF) para sa relief operations at recovery ng mga biktima.
Aniya, ang naturang pondo ay gagamitin sa pag-alalay sa mga apektadong LGU upang mas madaling makabangon at matugunan ang mga pangangailangan ng apektadong residente.
Samantala, naibsan ang pangamba ng opisyal na kukulangin ang supply ng mga relief goods siniguro sa kanya mismo ni DSWD Secretary Rex Gatchalian kahapon na kahit anong oras, pwede silang humingi ng dagdag na ayuda mula sa DSWD Davao Filed Office.
Maliban dito, may mga LGU rin umanong nangako na ng tulong para sa Davao de Oro, kabilang dito ang Davao del Sur Provincial Government.
Sa record ng Davao de Oro PDRRMO, aabot sa mahigit 43,000 ang direktang apektado ng kalamidad, kung saan 8000 dito ay nananatili pa sa 109 na evacuation area.| ulat ni Maymay Benedicto| RP1 Davao