Umaapela si Davao del Norte Rep. Alan Dujali (2nd District) para sa agarang relief at humanitarian assistance sa Davao Region na nananatiling lubog sa baha at pagguho ng lupa.
Ayon kay Dujali, bagamat noong nakaraang buwan pa nagsimula ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magpadala ng tulong at food packs ay kailangan naman ngayon ng mga apekatadong residente ng malinis na inuming tubig, toiletries at iba pa dahil hindi na sila nakapagbitbit ng gamit nang lumikas.
Maliban dito hiling din ni Dujali ang tulong para sa rehabilitasyon at recovery sa kanilang probinsya.
Aniya, personal niyang ilalapit ito kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na inaasahang pupunta sa Davao City ngayong Miyerkules.
Kailangan din aniyang pabilisin ang pagkumpleto sa mga flood control project lalo na sa mga lugar na malubhang tinamaan nito.
“The DPWH [flood control] projects are ongoing even with limited funds. So, every year, it’s ongoing with phase 1, phase 2, and phase 3. Unfortunately, although these projects are okay, the water today rose higher than the height of the dike which led the water to overspill to our district,” sabi ni Dujali.
Umaasa naman ang mambabatas na makatutulong para ibsan ang epekto ng pagbaha ang nakatakdang P6 billion flood control project ng Asian Development bank.
“It hasn’t started yet. But we’re hoping that this big project will be fast tracked immediately because this will be the solution to the perennial flood problem in Davao region, especially in Davao del Norte.” saad nito.
Hindi bababa sa lima ang nasawi at higit 60,000 na pamilya ang apektado ng pagbaha sa distrito ng mambabatas.
Isa naman sa itinuturong niyang dahilan sa malawakang pagbaha ay ang mababaw at barado nang mga waterways partikular ang mga ilog na hindi na kaya ang volume ng tubig. | ulat ni Kathleen Jean Forbes