Tiniyak ng Department of Information Communications and Technology (DICT) sa North Luzon lawmakers ang kanilang commitment na ipagkaloob ang “Free Wifi for all” Broadband initiative, alinsunod sa atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ito ang inihayag ni DICT Assistant Secretary Maria Teresa Camba sa pagdinig ng House Committee on North Luzon Growth Quadrangle.
Ayon kay Camba, mula sa P2.5 billion na budget ng kagawaran para ngayong 2024, nasa P800 million ang kanilang inilaan sa tatlong rehiyon sa norte ang Cordillera Administrative Region (CAR) at Ilocos Region 1 and 2.
Ang pondo ay gagamitin para sa pagmintina ng existing connectivity infrastructure sites at karagdagan pang pasilidad ng tatlong rehiyon.
Siniguro rin ng DICT official ang pagtulong ng kagawaran para sa disaster resilient tuwing may kalamidad kaya namahagi ito ng VSAT satellite broadband, at sa provincial offices na magagamit sa disaster response.
Ayon kay Camba, marami pang nakalinyang mga proyekto ang DICT para sa North Luzon na maghahatid ng pagpapahusay sa buhay ng mga taga norte.
Ibinahagi rin ni Camba sa komite, na may nakalaang pondo para sa e-government facility service na maaaring i-request ng local government units. | ulat ni Melany Valdoz Reyes