Sama-samang nilinis ngayong umaga ng iba’t ibang sektor sa Malabon ang Dampalit Megadike Park sa Barangay Dampalit Malabon City.
Isinagawa ito sa ilalim ng KALINISAN (Kalinga at Inisyatiba para sa Malinis na Bayan) sa Bagong Pilipinas program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Mismong sina DILG Secretary Benhur Abalos Jr.at Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ang nanguna sa clean-up drive.
Sa kanyang talumpati, hiningi ni Secretary Abalos ang pakikipagtulungan ng bawat isa para gawing malinis ang kapaligiran.
Sinabi ng kalihim na ginagawa na sa buong bansa ang programa ng Pangulo at hiniling niya na gawing ugali na ang paglilinis.
Nagpasalamat naman si Mayor Sandoval sa mga programa ng DILG na nakatulong ng malaki sa lungsod ng Malabon.
Gayundin sa ipinakitang suporta ng publiko sa pagtugon sa kalinisan program ni Pangulong Marcos Jr.
Kabilang sa mga nakiisa sa clean up drive ang mga kawani ng local government units (LGU), Bureau of Fire Protection (BFP), Malabon PNP, mga kawani ng Barangay at mga estudyante.| ulat ni Rey Ferrer