Nagpulong ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at Office of Civil Defense (OCD).
Layon ng naturang pulong na talakayin ang mga contingency plan at paigtingin ang disaster at emergency response ng pamahalaan ukol sa iba’t ibang kalamidad na maaaring tumama sa Metro Manila at mga karatig na lugar.
Pinangunahan ang pulong nina DILG Secretary Benhur Abalos, MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, kasama ang mga opisyal ng OCD.
Ilan sa mga natalakay ang pagsasagawa ng institutionalized simultaneous earthquake drill, kung saan isa sa mga planong scenario ay kawalan ng kuryente, tubig, at signal ng telekomunikasyon.
Ang mga ito ay kasama sa paghahanda sa inaasahang magnitude 7.2 na lindol dulot ng West Valley Fault at tsunami.
Samantala, nabanggit naman ni Atty. Artes sa pagpupulong ang itinatayong MMDA Disaster Response Training Center sa Carmona, Cavite na maaaring gamitin sa mga pagsasanay sa disaster preparedness at emergency rescue training.
Ito ay para maitaas ang kamalayan ng publiko sa mga hakbang at pagtugon sa posibleng pagtama “The Big One.” | ulat ni Diane Lear