Naniniwala si DILG Secretary Benhur Abalos Jr. na dapat manatiling nagkakaisa ang Pilipinas upang matiyak ang tuloy tuloy na kapayapaan, progreso at pag-unlad sa Mindanao.
Sinabi ni Secretary Abalos, hindi sagot sa mga hinaing ng Mindanao ang paghiwalay nito sa Pilipinas.
Paliwanag ng kalihim, lalabagin nito ang konstitusyon, sisirain ang territorial integrity ng bansa at gagambalain ang dekada nang pagsisikap ng pamahalaan na patatagin ang pagkakaisa ng mga mamamayan at etnisidad.
Aniya, may kalayaan ang mga taga-Mindanao sa kanilang political choices o magsulong ng kanilang economic, social, and cultural progress.
Ang pagtatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay isa sa pagpapakita ng paggalang at pagkilala ng pamahalaan sa pag-unlad ng Mindanao.
Ang BARMM ay isang halimbawa ng pagtugon sa mga makasaysayang hinaing at pagbibigay ng sariling pamamahala alinsunod sa umiiral na batas sa Pilipinas
Kaugnay nito, hinihimok ni Abalos ang lahat ng stakeholder na itaguyod ang kasagraduhan ng Konstitusyon ng Pilipinas para sa isang matatag, nagkakaisa, at hindi nagwawatak-watak na bansa. | ulat ni Rey Ferrer