Mariing kinondena ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang dispersal ng mga pulis sa mga estudyanteng nag-rally sa harap ng Kamara kahapon.
May kaugnayan ito sa kumakalat na video ng umano’y hindi mapayapang dispersal sa mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) na itinulak at hinampas ng ilang pulis.
Ayon sa alkalde, walang puwang ang ganitong aksyon sa lungsod, lalo pa’t kilala ang Quezon City bilang lugar kung saan malayang nakakapagtipon at nakakapagpahayag ng saloobin at karapatan ang iba’t ibang grupo.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Mayor Joy si Quezon City Police District (QCPD) Chief Brigadier General Red Maranan na hindi dapat kunsintihin ang ganitong gawi.
Bilang tugon dito, agad namang inatasan ni Gen. Maranan ang Internal Affairs Service na imbestigahan kung may paglabag sa Police Operational Procedures.
Pinulong rin ni Maranan ang Station Commander ng Batasan Police at inatasang pagsabihan ang kanyang mga tauhan ukol sa nararapat na aksyon sa mga kilos-protesta. | ulat ni Merry Ann Bastasa