Tiniyak ni Department of Migrant Workers (DMW) Undersecretary Bernard Olalia na inaaksyunan na ng ahensya ang sumbong tungkol sa modus na pag-aalok ng student visa patungong Canada nang may pagkakataon para sa makapagtrabaho sa naturang bansa.
Base sa mga sumbong ng mga OFW sa Hong Kong, inaalok sila ng isang Niña Mabatid na mag-apply ng student visa sa Canada nang may pagkakataon na makapagtrabaho doon at maipetisyon ang kanilang pamilya sa Canada.
Si Mabatid ay dating konsehal ng Cebu City.
Kabilang sa pangako sa kanila ni Mabatid ay pauutangin sila ng isang milyong piso para sa show money pero ang hindi alam ng mga biktima ay kinakailangan ng maraming requirements at mahirap ang proseso para dito.
Sa pagdinig ng Senado ngayong araw, pinaliwanag ni Olalia na base sa Canada immigration policy ay hindi naman kwalipikado ang mga inalok ng student visa ni Mabatid.
Sa ngayon ay nagpadala na aniya ang DMW ng team sa Hong Kong para mangalap ng testimonya at ayudahan ang mga biktima.
Nakikipag-coordinate na rin aniya ang migrant workers office doon sa Hong Kong government para sa tamang proseso ng pagpapanagot kay Mabatid.
Dinagdag rin ni Olalia na nakikipagtilungan na sila sa National Bureau of Investigation (NBI) at sinapahan na ng kasong estafa at illegal recruitment si Mabatid.
Nakikipagtulungan na rin aniya ang DMW sa Facebook para ma-take down ang mga post ni Mabatid at mga kumpanya nito tungkol sa student visa to Canada modus nila.| ulat ni Nimfa Asuncion