Tiniyak ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro na pinagsisikapan ng kagawaran at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na maiwasan ang mga napipinsalang sundalo sa labanan, alinsunod sa direktiba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa isang kalatas, sinabi ng kalihim na ito ang pinakamagandang paraan para pahalagahan ang sakripisyo ng mga sundalong nag-alay ng buhay sa pagganap ng kanilang tungkulin.
Kasabay nito, pinuri ni Sec. Teodoro ang pagpupursige ng militar laban sa Daulah Islamiyah at New People’s Army sa magkahiwalay na enkwentro sa Lanao del Norte, Negros Occidental, at Bohol nitong nakaraang linggo.
Partikular na pinuri ni Sec. Teodoro ang matagumpay na nutralisasyon ng mga miyembro ng Daulah Islamiyah na responsable sa pambobomba sa Mindanao State University noong nakaraang taon.
Ipinaabot naman ng kalihim ang kanyang pakikidalamhati sa mga pamilya ng mga sundalong nasawi sa labanan, kasabay ng pagtiyak ng suporta mula sa pamahalaan. | ulat ni Leo Sarne