Kinilala ni Department of Finance (DOF) Chief Ralph Recto ang Social Security System (SSS) dahil sa naitala nitong “record high” contribution collection, disbursement ng member benefits, at investment income para sa taong 2023.
Sa pulong na ginanap kasama si Recto at SSS Management Team, tinalakay nito ang operasyon, financial performance, investment portfolio, at mga pangunahing programa para sa mga miyembro at pensiyonado ng SSS.
Ayon sa SSS, nakapagtala ito ng P79.51 bilyon na kontribusyon mula sa higit 6 na milyong miyembro nito hanggang katapusan ng 2023 para sa Workers’ Investment and Savings Program (WISP).
Dagdag pa ng SSS, ang pagtataguyod ni Recto sa Social Security Act of 2018 ang nagbigay daan para sa WISP, isang mandatory provident fund scheme na nakakatulong sa mga manggagawang nasa pribadong sektor at iba pang miyembro ng SSS.
Nagbigay-daan naman ang WISP para sa paglunsad ng WISP Plus noong Disyembre 2022 para sa retirement saving kung saan nakakalap na ito ng nasa higit P391 milyon mula sa higit 30,000 miyembro noong 2023.
Malinaw umano ang naging impact ng Social Security Act of 2018 lalo na sa mga manggagawang Pilipino sa loob at labas ng bansa bilang paghahanda at proteksyon sa mga hindi inaasahang gastusin tulad ng pagkakasakit o kapansanan. | ulat ni EJ Lazaro