Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na itutuloy nito ang matagal ng naantala na Mindanao Railway Project (MRP), kung saan nagsagawa na ng pre-construction activities sa Davao City, Digos at Tagum.
Ito ay habang hinahanapan pa ng pondo ang proyekto matapos na kanselahin ng China ang financial commitment nito sa MRP.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, nakikipag-ugnayan na ang DOTr sa Department of Finance para sa alternatibong pondo na mapagkukunan gaya ng Official Development Assistance mula sa foreign government, at international financial institutions.
Sa ngayon, nagpapatuloy aniya ang land acquisition sa Tagum hanggang Digos via Davao City. Mayroon na ring resettlement sites at livelihood programs para sa mga residente na maapektuhan ng proyekto.
Ang MRP Phase 1 ay may project cost na P81.6 bilyon na may habang 100.2 kilometers at may walong istasyon.
Kapag ito ay natapos, inaaasahang nasa 122,000 na mga pasahero ang maseserbisyuhan kada araw at mapapababa ang biyahe ng isang oras mula sa dating tatlong oras mula Tagum City papuntang Digos City at pabalik.
Kapag nakumpleto naman ang MRP, ang naturang 1,544-kilometer rail system ay magkokonekta sa Davao, General Santos, Cagayan De Oro. Iligan, Cotabato, Zamboanga, Butuan, Surigao, at Malaybalay na makatutulong sa pag-angat ng ekonomiya sa Mindanao. | ulat ni Diane Lear