Naghatid na ng financial aid ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamilya ni Baby S, ang tatlong taong gulang na batang na-rescue matapos dalawang araw na matabunan ng lupa sa landslide sa Maco, Davao de Oro.
Personal na iniabot ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang tulong sa pamilya ng bata sa Davao City Medical Center kung saan ito patuloy na mino-monitor.
Ayon sa kalihim, magtatalaga rin ito ng social worker para masubaybayan ang kondisyon ng bata at agad na matugunan ang anumang pangangailangan nito.
Bukod sa batang survivor, naghatid rin ang DSWD ng ayuda sa iba pang nakaligtas sa landslide na nagpapagaling sa ospital.
Nakiramay din ang kalihim sa kaanak ng mga nasawi at nakipagpulong sa local officials para talakayin ang karagdagang interventions sa mga apektadong residente.
Ang pagbisita sa Davao Region ni Sec. Gatchalian ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking naayudahan ang lahat ng pamilyang apektado ng malalakas na pag-ulan at pagbaha.
Sa pinakahuling tala ng DSWD, nasa 1,347 pamilya pa o katumbas ng 5,431 indibidwal ang nananatili sa 12 evacuation centers sa Davao de Oro. | ulat ni Merry Ann Bastasa