Naghatid na rin ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilang bayan sa Davao Oriental na na-isolate matapos ang malalakas na ulang dulot ng trough of a low pressure area (LPA).
Ayon sa DSWD, nasa 9,000 family food packs (FFPs) ang nai-deliver na ng DSWD XI-Davao Region sa Lupon Seaport, sa Poblacion, Lupon Davao Oriental sa tulong ng Philippine Navy vessel, BRP Tagbanua.
Ang mga FFPs ay ipapamahagi sa mga apektadong pamilya sa bayan ng Governor Generoso at Lupon.
Una nang iniutos ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang mabilis na pamamahagi ng relief at cash aid sa mga apektado sa lalawigan.
Sa pinakahuling tala ng ahensya, nasa higit ₱70-million na ang naihatid nitong humanitarian assistance sa mga apektadong LGUs sa Region 11, 12, at CARAGA.
Samantala, nasa halos 15,000 pamilya pa o katumbas ng 53,858 na indibidwal ang nananatili sa evcuation centers bunsod ng epekto ng trough ng LPA. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📸: DSWD