Kaisa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng local government unit (LGU) ng Pola sa Oriental Mindoro sa pormal na pag-alis ng state of calamity sa lalawigan.
Kasunod ito ng nangyaring napakalaking oil spill dulot ng lumubog na MT Princes Empress malapit sa baybayin ng Bayan ng Naujan noong Pebrero 28, 2023.
Sa isang mensahe, binigyang-diin ni DSWD Undersecretary for Disaster Response Management Group Diana Rose Cajipe ang kahalagahan ng sama-samang pagsisikap ng iba’t ibang stakeholders sa pagtugon sa mga epekto ng oil spill.
Ang DSWD aniya ay agad na tumugon sa mga pangangailangan ng mga apektadong komunidad lalo na ng mga mangingisda.
Batay sa tala, mahigit P982.7 milyong halaga ng humanitarian aid ang naibigay ng DSWD sa mahigit 42,500 pamilya na naapektuhan ng oil spill sa mga lalawigan ng Oriental Mindoro, Batangas, Palawan, at Antique.
Bukod sa serye ng pamamahagi ng family food packs, nagpaabot din ang DSWD ng financial assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation, emergency cash transfer, at cash-for-work program. | ulat ni Rey Ferrer