Patuloy ang isinasagawang simultaneous payout ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Davao Del Norte sa ilalim ng Emergency Cash Transfer (ECT) program ng ahensya.
Ito ay upang matugunan ang pangangailangan ng mga pamilyang apektado ng pag-ulan at pagbaha na dulot ng shear line na nanalasa sa Davao Region.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Rommel Lopez, ang payout ay isinagawa sa Carmen, Davao del Norte kung saan may 1,686 na pamilya ang nakatanggap ng cash aid mula sa DSWD Field Office-11.
Sinabi pa ni Lopez, na nagsisimula na ang ahensya na unti-unti ng ilipat ang tulong mula sa pagkain ay gagawing cash aid an ito. Ito ay base na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na cash aid ang ibigay sa halip na food assistance.
Ang bawat isang apektadong pamilya ay nakatanggap ng P9,960 na may kabuuang halaga na mahigit P16 milyon ang naipalabas ng ahensya para sa cash aid distribution.
Bukod sa bayan ng Carmen namahagi din ang DSWD Davao Field Office ng tulong pinansyal sa may 500 families mula sa Barangay Cabayangan sa Davao Del Norte. | ulat ni Diane Lear