Tinatarget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na paigtingin pa ang disaster response sa rehiyon ng Mindanao sa pamamagitan ng posibleng partnership sa United States Agency for International Development (USAID).
Natalakay ito nina DSWD Secretary Rex Gatchalian at USAID Deputy Assistant Administrator for Asia (DAA) Sara Borodin sa pagbisita ng opisyal sa National Resource Operations Center (NROC) ng DSWD sa Pasay City.
Ayon kay DSWD Sec. Gatchalian, kasama sa direktiba ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. ang maging ‘proactive’ ang pamahalaan pagdating sa disaster response, lalo’t hamon sa maraming LGUs ang pagtugon sa pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan tuwing may kalamidad.
“The paradigm now, which the President said, is that he wants a sustained effort from the national government (during times of disasters),” Secretary Gatchalian.
Dahil dito, tuloy tuloy ang pagset up ng DSWD ng maraming warehouses para mas mailapit ang tulong sa mga naapektuhan ng sakuna.
Umaasa naman ang DSWD sa posibleng tulong ng USAID partikular na sa pondo para mapalawak pa ang mga pasilidad nito lalo na sa Mindanao.
“We get in trouble when we want to build a facility, let’s say in Mindanao, we have to do the lobbying, which I am doing right now. Now that we have a land, we have to do the lobbying,” Secretary Gatchalian.
Kasama sa kinukonsidera ng DSWD Chief ang pagkakaroon ng isang mega warehouse facility sa Mindanao na madalas na rin aniyang tamaan ng kalamidad. | ulat ni Merry Ann Bastasa