Hinimok ni Finance Secretary Ralph Recto ang mga opisyal ng gobyerno na magtulungan sa pagbuo ng pinag-isang direksyon ng patakaran ng digitalization ng gobyerno.
Ayon sa kalihim, malinaw ang atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na sa Bagong Pilipinas ay dapat mabilis na maisama ng mga tanggapan ng gobyerno ang digital technology sa bureaucracy.
Ito ang mensahe ng kalihim sa ginanap na Development Academy of the Philippines Leadership Conference.
Kinilala ni Recto ang Public Management Development Program, bilang mahalagang karagdagan sa “toolkit” ng pamahalaan sa pagbuo ng pinag-isang direksyon ng patakaran para sa komprehensibong digital transformation ng mga serbisyong publiko.
Paghikayat ng Department of Finance Chief sa mga public leader, gamitin ang platporma para sa pagpapalitan ng ideya at best practices upang makamit ang digitally transformed at future proof Philippine government. | ulat ni Melany Valdoz Reyes