Ipinanukala ni Bicol Saro party-list Rep. Brian Raymond Yamsuan na gawing institusyon ang “financial literacy programs” para sa mga manggagawa.
Layon nitong asistehan ang mga manggagawa sa pag-iinvest ng kanilang pinaghirapang pera at kung paano mapoprotektahan ito laban sa mga scam na nagkalat ngayon sa bansa dahil sa lumalagong digital economy.
Ayon kay Yamsuan, umabot sa P155 million ang nawala sa iba’t ibang uri ng scam sa loob ng walong buwan noong 2023 kaya aniya, pinakamahusay na paraan na protektahan ang mga Pilipino ay turuan sila kung papaano papamahalaan ang kanilang pananalapi at tuklasin ang mga pekeng financial scheme.
Iminungkahi ni Yamsuan na sa pamamagitan ng House Bill 9888, dapat pangunahan ng Department of Labor and Employment, Department of Trade and Insustry at Bangko Sentral ng Pilipinas ang kampanya para sa financial literacy materials na madaling ma-access ng publiko.
Dapat din aniyang makipagtulungan ang iba pang ahensya ng gobyerno, state-owned at controlled corporations para palawakin ang abot ng kanilang programa.
Diin pa ng mambabatas na bagama’t ang digital economy ay nagbigay ng maraming benepisyo, ito rin ay nagbunga sa lahat ng uri ng panloloko na nagnakaw naman sa marami sa ating mga kababayan ng kanilang pinaghirapang pera. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes