Giniit nina dating Associate Justices Adolfo Azcuna at Vicente Mendoza na dapat magkahiwalay ang pagboto ng Senado at Kamara sa pag-amyenda ng Saligang Batas.
Sa naging pagdinig ng Senate Subcommittee on Constitutional Ammendments, sinabi ni Azcuna na oras na magkaroon ng sariling bersyon ng amyenda ang dalawang kapulungan ng Kongreso ay pagbobotohan nila ito ng magkahiwalay para maaprubahan.
Pinunto naman ni Mendoza na magkahiwalay ang pagboto ng Senado at Kamara dahil sa obvious na rason na mas maliit ang bilang ng mga senador kumpara sa mga kongresista.
Gayunpaman, magkaiba naman ang pananaw ng dalawang eksperto pagdating sa usapin ng magkahiwalay o magkasamang pagtalakay ng dalawang kapulungan ng mga panukalang amyenda sa Saligang Batas.
Para kay Azcuna, hindi na kailangan ng joint hearing ng Senado at Kamara at pinunto ang tatlong paraan ng pag-amyenda ng Konstitusyon—sa pamamagitan ng cons-ass, constitutional convention (con-con), at people’s initiative.
Pero para kay Mendoza, dapat magkaroon ng joint session o meeting ang dalawang kapulungan para talakayin ang panukalang amyenda at magkaroon ng maayos na debate. | ulat ni Nimfa Asuncion