Binigyang-diin ni House Committee on Labor and Employment Chair Fidel Nograles ang kahalagahan na gawing isang ganap na batas ang TUPAD Program.
Ayon sa mambabatas, kailangan pa rin natin ng permanenteng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/ Displaced Workers (TUPAD) Program kahit na umaarangkada na muli ang Pilipinas matapos tumama ang pandemya.
Ang TUPAD ay isang cash-for-work program na nagbibigay ng emergency employment sa mga displaced, underemployed, at seasonal workers.
Aniya, mayroon at mayroong mararanasang krisis o kalamidad na magreresulta sa kawalan ng trabaho kaya’t importanteng maisabatas ang programa.
“The reality is that there will always be crises that will result in the loss of work of vulnerable sectors. We need the TUPAD program for such eventualities so that the government is empowered to help those who lose their jobs,” saad ng mambabatas.
Sa kasalukuyan ay pasado na ang panukalang institutionalization ng programa sa kaniyang komite.
Ngayong 2024 pinaglaanan ng ₱30-billion na pondo ang TUPAD.
“Ang TUPAD ay isang maganda at makabuluhang programa na sumasaklolo sa mga kababayan natin sa oras ng kagipitan. Kaya naman naniniwala tayo na tuluyang maisasabatas ito,” sabi pa ng mambabatas. | ulat ni Kathleen Jean Forbes