Makakaasa ang mga Pilipino na ginagawa na ng pamahalaan ang lahat upang tugunan ang napaulat na tangkang pangha-hack sa websites ng ilang tanggapan ng gobyerno.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ay puspusan na rin ang ginagawang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan upang ipabatid sa mga ito ang kahinaan ng kanilang sistema.
“Right now, DICT for the last several months has been coordinating with the different agencies of government para sinasabihan nila kami anong weakness and vulnerability. So, it is a good coordination between DICT and the different ano…pero mas pababayaan ko na siya ma-explain tomorrow about this.” -Secretary Abalos
Ayon naman kay PNP Chief General Benjamin Acorda, sila sa PNP bilang bahagi ng hakbang na ito mayroon na silang proyekto na pagtatatag ng cybersecurity center, upang tugunan ang mga insidente ng hacking.
Patuloy aniya nilang pinalalakas ang kanilang hanay.
Katunayan, hindi naman aniya sobrang nalalayo ang gamit o teknolohiya ng Pilipinas sa ibang mga bansa, at maganda ang balikatan ng Pilipinas sa ibang estado patungkol dito.
Ang mga mayayamang bansa, sinasanay pa aniya ang mga tauhan at eksperto ng Pilipinas laban sa transnational crimes, at pag-iimbestiga sa mga krimen sa cyber space.
“And maganda naman ang sharing natin in coordination with other countries – iyong mga mauunlad na bansa they train us, they train our personnel especially on the investigation or mga transnational crimes they are very much supportive and helpful in really training us and equipping us the necessary knowledge and the skills in the conduct of investigation of such crimes.” -Gen Acorda. | ulat ni Racquel Bayan