Ilang flights sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang naantala ngayong hapon matapos na masira ang C130 aircraft sa Taxiway Charlie 6.
Batay sa flight advisory no. 1 ng Manila International Airport Authority (MIAA) as of 1PM, kaagad na nagsagawa ng recovery procedure ang MIAA emergency and operations team at Philippine Air Force sa naturang eroplano.
Ayon sa MIAA, nasa 34 na mga pasahero at pitong crew ang sakay ng C130 plane nang masira ito sa taxiway. Kaagad din pinababa ang mga ito at dinala sa pinakamalapit na holding area.
Wala naman naitalang nasaktan sa mga pasahero sa nangyaring insidente.
Sa ngayon, ipinarada na ang C130 plane sa Remote Parking Bay 24 ng NAIA Terminal 1.
Nagsasagawa rin ng mopping operations ang MIAA sa pinangyarihan ng insidente upang matiyak na walang foreign object debris at bago ideklarang ligtas na muli gamitin ng ibang pang mga eroplano. | ulat ni Diane Lear