Para sa ilang legal luminaries, walang balido at mabigat na rason para amyendahan ang 1987 constitution.
Sa pagdinig ng Senado sa panukalang amyenda sa economic provision ng saligang batas (Resolution of Both Houses No. 6), sinabi ni dating Chief Justice Hilario Davide Jr. na hindi amyenda sa konstitusyon ang kailangan ng bansa kundi ang ganap na pagpapatupad ng mga prinsipyo at state policies nito.
Sinabi rin ni Davide na kung kinakailangan man talagang amyendahan ang ating konstitusyon ay dapat para ito sa interes ng taumbayan at hindi ng iilan lamang.
Ipinunto rin ni dating Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna na hindi dapat isisi sa restrictive economic provisions ang mga problema ng bansa ngayon dahil naririyan na ito noon pang 1935 constitution.
Sa kabila nito, pinahayag ni Azcuna na pabor siyang alisin ang ilan sa mga restrictive economic provisions sa saligang batas.
Paliwanag ni Azcuna, sa halip kasing nasa konstitusyon ay dapat nasa ordinaryong legislation lang ito. | ulat ni Nimfa Asuncion