Sang-ayon ang ilang residente sa Quezon City sa resulta ng OCTA Research survey na 59% ng Pinoy ang kuntento sa pamamalakad ng administrasyong Marcos.
Ayon kay Tatay Pablo, kuntento rin siya sa nakikta niyang mga proyekto at programa ngayon ng pamahalaan lalo na sa mga senior citizen.
Si Nanay Remedios, na aniya ay binoto ang Pangulo noong eleksyon, naniniwala ring maitataguyod ni Pangulong Marcos Jr. ang magandang nasimulan ng kanyang ama.
Para naman kay Ate Eliza, bilib siya sa Pangulo dahil nakikita niya ang sipag nitong kumilos para maisaprayoridad ang pangangailangan ng mamamayan gaya na lang ng mga magsasaka.
Kung may pabor, mayroon din namang ilang nag-aalangan na idinahilan ang mataas na presyo ng bilihin.
Kaya kung may hirit si Nanay Liberty sa Pangulo, ito ay ang unahin ang pagpapababa sa presyo ng mga bilihin gaya ng bigas.
Ganito rin ang hiling ni Ate Vanessa na umaasang matutukan pa lalo ang lagay ng mga Pilipinong walang trabaho, at mabigyan sila ng pagkakakitaan.
Batay sa Tugon ng Masa survey, lumalabas na pinakamataas ang performance rating ng administrasyon sa National Capital Region (NCR) at Visayas. | ulat ni Merry Ann Bastasa