Pinaghahandaan na ng Iloilo City Government at Iloilo Provincial Government ang pagsampa ng kaso laban sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) kaugnay ng nangyaring malawakang blackout sa isla ng Panay.
Ayon kay Iloilo City Mayor Jerry Trenas, target nila na maihain ang kaso ngayong Pebrero. Patuloy rin ang pakikipagugnayan ng mga abogado ng lungsod sa provincial government para sa joint suit.
Inihayag ng alkalde na silang dalawa ni Iloilo Gov. Arthur Defensor ang magsisilbing complainant sa kaso na ihahain nila sa ERC.
Pinili nilang ihain ang kaso sa ERC at hindi sa mga korte dahil sa mataas na filing fees. Aniya, mayroon ring quasi-judicial powers ang ahensya kaya kampante sila na madedesiyonan ito ng ERC.
Kampante rin ang alkalde na matibay ang kanilang ebidensya laban sa NGCP base na rin sa mga findings na ipinalabas ng Department of Energy (DOE) at ERC.
Aabot sa P1.5 billion ang nalugi sa Iloilo City at P3.5 naman sa probinsya ng Iloilo dahil sa halos apat na araw na malawakang blackout noong Enero.| ulat ni Emme Santiagudo| RP1 Iloilo