Umarangkada na ang humanitarian contingent ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pamimigay ng malinis na tubig sa mga residente sa Davao Del Norte.
Batay sa ulat, problema ng mga residente doon ang mapagkunan ng malinis na tubig dahil apektado na ng mga pagbaha at landslide dulot ng pag-ulan.
Dahil dito, nagtungo sa lalawigan ang 30-kataong humanitarian team ng MMDA dala ang 60 units ng solar-powered water filtration system.
Unang tinungo ng mga ito ang dalawang barangay sa Carmen, Davao del Norte para mamigay ng filtered water.
Umabot sa 840 galon ng purified water ang unang naipamahagi sa 1,597 pamilya na residente ng Barangay Guadalupe at Mabaus.
Ang deployment ng mga tauhan ng MMDA ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang magbigay ng tulong sa mga affected residents kabilang ang paghahatid ng malinis na tubig.| ulat ni Rey Ferrer