Sinusunod lamang ng House of Representatives ang nakasaad sa Saligang Batas pagdating sa pamamaraan ng pagboto sa isinusulong na charter amendment.
Tugon ito ni Senior Deputy Speaker at Pampanga Rep. Aurelio Gonzales Jr. sa pahayag ni Sen. Jinggoy Estrada na dapat ay hiwalay ang botohan ng Senado at Kamara.
Sa Resolution of Both Houses No. 7 na inihain ni Gonzales, direktang hinango ang probisyon ng Section 1 Article 17 kung saan nakasaad na:
_Ang ano mang susog o pagbabago sa Konstitusyong ito ay maaaring ipanukala: (1) ng Kongreso sa pamamagitan ng tatlong-kapat na boto ng lahat ng mga Kagawad nito;_
Habang ang Resolution of Both Houses No. 6 ng Senado ay nadagdagan ng mga kataga na ‘each Houses voting separately.’
“Those four words are not in the Constitution. Our colleagues in the Senate cannot and should not insist on that language. I am not a lawyer, but that is unconstitutional, as lawyers would say. We in the House chose to be true to our basic law by quoting exactly what it says, no more, no less,” saad ni Gonzales
Sa hiwalay naman na pahayag, sinabi ni Deputy Majority Leader Jude Acidre na ang pagdaragdag na ito ng senado ay sarili na lamang nilang interpretasyon ng nakasaad sa saligang batas. | ulat ni Kathleen Forbes