Tinalakay na rin sa Senado ang kaso ng nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon.
Sa naging pagdinig ng Senate Committee on Public Order ngayong araw, ‘no show’ o hindi dumalo ang hinihinalang pangunahing suspek sa pagkawala ni Camilon na si dismissed Police Major Alan de Castro.
Batay sa ipinadalang liham ni De Castro, hindi siya nakadalo sa pagdinig ngayong araw dahil walong buwang buntis ang kanyang asawa at nakakaranas ng sakit kaya kailangan niya itong alagaan.
Maging ang driver bodyguard ni De Castro na si Jeffrey Magpantay, na suspek din sa pagkawala ni Camilon, ay hindi rin humarap sa hearing dahil masama umano ang pakiramdam.
Babala ni Dela Rosa kina De Castro at Magpantay, kung patuloy na hindi dadalo sa pagdinig nila ang mga ito ay hindi malayong ipa-subpoena at ipaaresto sila ng Senado.
Present naman sa pagdinig ang pamilya ni Catherine Camilon.
Apela ng ina nitong si Rosario Camilon, mabigyang linaw na sana ang pagkawala ng kanyang anak lalo’t halos apat na buwan na silang naghahanap ng kasagutan kung nasaan ang kanilang anak.
Humingi naman ng tulong sa Senado ang kapatid ng beauty queen na si Ching Ching para mamandato ang Globe Telecom na makipagtulungan sa kaso.
Ayon kay Ching Ching, kahit kasi may search warrant na mula sa korte para ma-retrieve ang mga text messages kay Catherine ay ayaw pa rin itong ibigay ng nasabing telco.
Dahil dito, ipapatawag na rin ang telco para pagpaliwanagin at makuha ang kinakailangang impormasyon.| ulat ni Nimfa Asuncion