Pinatututukan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Philippine National Police (PNP) ang kaso ng pamamaril kamakailan sa volunteer doctor na si Sharmaine Barroquillo sa Buluan, Maguindanao del Sur.
Ito ang inihayag ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. sa pulong balitaan pagkatapos ng Command Conference sa Camp Crame na pinangunahan ng Pangulo.
Sa naturang pulong balitaan, iniulat naman ni Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region Director Police Brigadier General Allan Nobleza, na nagkaroon ng breakthrough sa kaso sa pagsuko ng dalawang suspek na pawang mga estudyante na may edad 16 at 18.
Ayon kay Nobleza, tukoy narin ang pangatlong suspek na nagsilbing gunman na isa ring menor de edad na kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad.
Robbery o pagnanakaw ang natukoy na motibo ng pulisya sa nangyaring pamamaril.
Iniulat naman ni Nobleza, na patuloy na nagpapagaling ang biktima na ngayon ay nasa stable condition na. | ulat ni Leo Sarne