Mas makikilala pa ang mayamang Filipino-Chinese culture sa Quezon City sa inorganisang kauna-unahang QC Chinatown Heritage Tour ng Quezon City local government.
Ito ay bahagi ng tatlong araw na selebrasyon ng Chinese New Year sa lungsod.
Tampok rito ang ilang cultural sites gaya ng Chinese temples at mga itinuturing na ‘culinary gems’ sa QC Chinatown District sa Banawe, na isa sa pinakamalaking Chinatown sa buong mundo.
Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, magandang pagkakataon ang naturang heritage tour para mas maengganyo ang mga turista na bisitahin ang iba’t ibang atraksyon sa lungsod.
Kasama sa itinerary ang pagbisita sa tanggapan ng Tzu Chi Foundation na halos tatlong dekada nang nagsasagawa ng humanitarian assistance sa bansa.
Nagtungo rin ang grupo sa Sheng Lian Temple at Wow Toy Museum.
Personal ding kinamusta ni QC Mayor Joy Belmonte ang mga nakilahok sa Heritage Tour sa Filipino-Chinese Friendship Arch na nasa bungad ng Banawe.
Ayon sa alkalde, maaaring alternatibo ang QC Chinatown sa Binondo Chinatown sa Maynila para sa mga nais makaranas ng authentic Filipino-Chinese culture.
Dagdag pa nito, malaking bagay para sa lokal na ekonomiya ng lungsod kung mas maraming turista ang tatangkilik sa QC Chinatown District sa Banawe.
Matapos ang cultural tour, nagkaroon naman ng food crawl sa ilang sikat na Chinese resto sa Banawe kabilang ang Mandarin Sky Restaurant, Causeway Chinese Restaurant, Cai Hok Seafood Restaurant, David’s Tea House at sa D’ Original Maki Haus. | ulat ni Merry Ann Bastasa