Pinatitiyak ng mga senador na hindi magagamit sa maling bagay ang P100,000 na cash assistance na ibinibigay sa mga decommissioned MILF combatants.
Sa naging pagdinig ng Senate Committee on National Defense, sinabi ni Committee ChairmanSenador Jinggoy Estrada na dapat imbestigahan ng mga awtoridad ang alegasyon at sumbong ng ilang MILF combatants na kinukuha ng MILF commander ang kalahati ng natatanggap nilang cash assistance.
Pangamba ni Estrada, maaari kasing magamit ang pera sa pagbili ng mga baril at armas.
Ayon kay MILF peace implementing secretariat Engineer Mohajirin Ali, bina-validate na nila ang impormasyon na ito.
Pinaalalahanan na rin aniya nila ang kanilang mga komander na hindi nila pwedeng pakialaman ang cash aid na binibigay sa mga decommissioned combatants.
Magsasagawa rin aniya ng internal investigation ang MILF kaugnay ng isyung ito.| ulat ni Nimfa Asuncion