Pinag-iingat ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang publiko hinggil sa tumataas na kaso ng krimen lalo na ngayong buwan ng mga puso.
Lumalabas sa datos ng PNP-ACG na nangunguna ang ‘love scam’ sa mga krimen na kanilang naitala noong 2023 na doble ang itinaas kumpara noong 2022 na nasa 94 lamang.
Ayon kay PNP-ACG Cyber Response Unit Chief, P/Col. Jay Guillermo, kapansin-pansin naman ang evolution ng ‘love scam’.
Mula kasi sa tradisyunal na love scam kung saan nanghuhuthot ng pera ang suspek, naging moderno na kasi ito ngayon at ginagawa na sa pamamagitan ng investment.
Paliwanag niya, naghahanap ng karelasyon ang biktima sa iba’t ibang social media platforms pangkaraniwan na sa dating apps.
Kapag nahulog na ang loob, hihikayatin ng suspek ang biktima na mag-invest sa cryptocurrency.
Sa sandaling mag-invest na ang biktima ay saka na maglalaho ang website at hindi na rin magpaparamdam ang suspek.
Samantala, nitong January 2024, ay dalawang kaso ng ‘love scam’ na ang naitala ng ACG. | ulat ni Jamark Dagala