Umapela ang Pamahalaang Lungsod ng Marikina sa kanilang mga residente na huwag lamang basta magtipid kundi ay maging responsable sa pagkonsumo ng tubig.
Ito’y ayon sa Marikina LGU kasunod na rin ng inaasahang paghagupit ng El Niño phenomenon sa bansa sa mga susunod na buwan.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro, mahalaga ang pakikiisa ng lahat upang sama-samang malabanan ang epektong dulot ng El Niño, lalo na sa pang-araw-araw na pamumuhay ng bawat pamilya o komunidad.
Una nang inihayag ni Mayor Teodoro na nakahanda ang Lokal na Pamahalaan sa epekto ng El Niño at naglatag na sila ng iba’t ibang mga hakbang upang malabanan ito.
Kabilang na riyan ang paglalagay ng rainwater harvesting facility gayundin ang pagpapagana sa anim na deep well system na siyang mapakikinabangan ng kanilang mga residente sa sandaling kailanganin. | ulat ni Jaymark Dagala