Kaniya-kaniyang paraan na lamang ang mga tsuper ng jeepney, makapag-uwi lamang ng malaking kita para sa kanilang pamilya.
Ito ang inihayag sa Radyo Pilipinas ng ilang tsuper ng jeepney sa Marcos Highway sa Rizal kasunod ng ipinatupad na umento sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay Mang Jimmy, sakripisyo na lamang sa mas mahabang oras ng biyahe para mapunan ang boundary gayundin ang pang-gasolina sa kanilang mga sasakyan.
Aminado kasi siyang mabigat sa bulsa ang ₱1.50 na dagdag-presyo sa kada litro ng diesel.
Maliban sa diesel, mayroon ding ₱0.75 na dagdag sa kada litro ng gasolina, at ₱0.80 na dagdag sa litro ng kerosene.
Ito na ang ikalimang sunod na linggo na nagpatupad ng dagdag presyo ang mga kumpanya ng langis. | ulat ni Jaymark Dagala