Tiniyak ni PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo na hindi pa tapos ang imbestigasyon ng PNP sa pagkakadawit ng Film Director Jade Castro at 3 kasama nito sa panununog ng modern jeepney sa Catanauan, Quezon province noong nakaraang linggo.
Ayon kay Fajardo, bumuo na ng Special Task Force ang Quezon Provincial Police kasunod ng direktiba ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. na laliman ang imbestigasyon sa naturang kaso.
Ayon kay PCol. Fajardo, magiging sentro ng kanilang imbestigasyon ang alegasyon ng grupo ni Castro na malayo umano sila sa lugar na pinangyarihan ng insidente nang maganap ito.
Matatandaang inaresto ang grupo ni Grupo ni Castro sa follow up operation ng mga pulis sa Malunay, Quezon, matapos na positibong kilalanin ng mga testigo.
Tiniyak naman ni Fajardo na bukas ang PNP na tumulong sa magkabilang partido upang alamin ang katotohanan sa likod ng nasabing krimen.
Samantala, sa darating na Pebrero 12 naman ay nakatakdang isagawa ang unang preliminary hearing ng kaso sa prosecutor’s office sa Catanauan, Quezon province. | ulat ni Leo Sarne